Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang pulong-balitaan ngayong araw na makikipagtulungan na sila sa mga Local Government Units (LGUs) at mga pribadong sektor upang solusyunan ang lumalalang pagbaha sa Metro Manila.
Kaugnay nito, tinanggap ng ahensya ang alok ni San Miguel Corporation (SMC) president at CEO Ramon Ang na pondohan at ipatupad ang mga proyekto kontra-baha sa Metro Manila nang walang gastos sa pamahalaan at sa publiko.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, malaking tulong ang inisyatibong ito upang mapabilis ang paglilinis ng mga ilog, estero, at storm drain, pati na ang pag-aalis ng mga istrukturang humahadlang sa daloy ng tubig. Tiniyak din niyang makikipag-ugnayan ang ahensya upang masiguro na may maayos na relokasyon ang mga residenteng maaapektuhan ng clearing operations.
Tiniyak ni Artes na hindi sasalungat ang inisyatiba ni Ang sa kasalukuyang Metro Manila Flood Management Project ng MMDA, na nakatuon sa pagbabawas ng basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig.
Binigyang-diin ng MMDA na ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor ay mahalaga upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga solusyon laban sa pagbaha at maprotektahan ang mga residente ng Kalakhang Maynila laban sa pinsala tuwing tag-ulan at kalamidad.
Samantala, dumalo rin ang alkalde ng Maynila, Valenzuela, Las Piñas, at Muntinlupa, na kapwa kinilala ang naging hakbang ng pribadong kumpanya para tugunan ang matagal nang suliranin sa pagbaha.
Pagtitiyak nila na patuloy ang kanilang ugnayan at kooperasyon sa MMDA upang tugunan ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.