Pinasinayaan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila ang konstruksyon ng Manila Disaster Risk and Management Office Flood Monitoring Command Center ngayong araw.
Personal na pinangunahan mismo ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso katuwang ang ilang opisyal ang naturang pagpapasinaya sa bagong command center.
Partikular nakalagak ang itatayong panibagong gusali sa Blumentrit Road, Santa Cruz, Manila upang magsilbing flood monitoring center ng lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Isko Domagoso, ang pagtatayo ng naturang pasilidad ay layon mapalakas ang pagkakaroon ng maayos na impormasyon hinggil sa usapin ng baha sa Maynila.
Makapagbibigay aniya ito ng ‘proper data management and monitoring’ sa tubig baha na mararanasan sa buong lungsod.
Kung kaya’y naniniwala ang alkalde na sa pamamagitan nito’y maaring makapagsalba ng buhay buhat nang makapagbibigay ng tiyak na impormasyon o datos lalo na sa panahon ng pagbaha.
Dagdag pa ni Mayor Isko Domagoso, ang pagkakaroon ng ganitong command center ay bilang pakikibahagi na rin sa layon na masolusyon ang kinakaharap na problema sa baha.
Kung kaya’t bunsod nito’y positibong ibinahagi ng alkalde na ang konstruksyon sa naturang gusali ay upang maihanda na rin ang mga tauhan ng pamahalaan lalo na partikular sa panahon ng sakuna.
















