-- Advertisements --

Matagumpay nang naaresto ng Manila Police District o MPD ang tinaguriang Top 1 Most Wanted Person sa lungsod ng Maynila.

Positibong inanunsyo mismo ng kasalakuyang alkalde na si Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang pagkakahuli sa naturang suspek.

Batay sa impormasyon at ibinahagi ni Manila Mayor Domagoso, ang naarestong indibidwal ay suspek sa kasong murder matapos patayin ang isang biktimang estudyante sa Tondo noong 2023.

Kinilala ang nabanggit na ‘most wanted person’ na si Prince Ethan Cruz, na siyang personal pang iprinesenta sa publiko ng alkalde.

Alinsunod anila ang naganap na pag-aresto ng mga operatiba ng pulis Maynila sa implementasyon ng ‘warrant of arrest’ at paghahanap sa suspek o manhunt ng mga intelligence at tracker teams.

Kaugnay nito’y ipinababatid ng alkalde maging o pati sa mga kaanak ng biktima ang inaasam na katarungan.

Kanya ring binigyang pagkilala ang Manila Police District sa pagkakaaresto sa suspek o ang tinaguriang most wanted sa lungsod.

Ikinatuwa din niya ang pagkakahuli sa suspek ng buhay nang sa gayon ay maihatid at madala sa husgado para sa pagkamit ng hustisya.

Pagtitiyak naman ni Manila Mayor Isko Moreno sa publiko lalo na sa lungsod na kanilang gagawin ang lahat maseguro lamang ang kaligtasan ng bawat isa.

Pumanatag aniya raw sapagkat pananagutin ang lahat ng mga indibidwal na gumawa ng krimen sa Maynila kahit pa ito’y dati o bago pa lamang.