-- Advertisements --

Inilatag na ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo Church o Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang ilang mga bagong ipatutupad sa Traslacion 2026.

Magkakaroon ng pagbabago sa kung papaano ang pagkontrol sa daloy o mga daraanan ng mga deboto.

Sa ika-9 ng Enero, mismong araw ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno, mayroon itinalagang ‘entry route’ sa mga papasok ng simbahan.

Ayon kay Alex Irasga, Technical and Procession Management Adviser ng Quiapo Church, may mga kalsada lamang na itinalaga bilang pasukan.

Ito aniya’y ang mga sumusunod, Quezon Boulevard, Carriedo Street, at Villalobos Street para sa lahat ng manggaling ng Carlos Palanca Street.

Bukod sa pasukan, may sistema ring ipinatutupad ang pamunuan ng simbahan para sa paglabas ng mga mananampalataya.

Kung saan, mayroong gagabay na mga lingkod simbahan upang mapanatili ang kaayusan kasabay ng pagdiriwang ng banal na misa.

Kaugnay pa rito, inihayag naman ni Alex Irasga na walang pagbabagong magaganap hinggil sa tatahaking ruta ng andas.

Tangi lamang raw sa kung saan dadaan ang mga deboto tutungo sa Quirino Grandstand na siyang pagsisimulan ng naturang traslacion.

Ibinahagi niyang may ilang mga kalsadang nakasara tulad ng Padre Burgos Street at intersection nito maging sa mga tao.

Ang kapistahan o ang Traslacion ng Poong Jesus Nazareno 2026 ay nakatakdang ganapin sa darating na ika-9 ng Enero.

Inaasahan na milyun-milyon mga deboto ang makikiisa sa taunang selebrasyon at pagtitipon ng mga mananampalatayang Katoliko.