-- Advertisements --

Kasabay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nanawagan ang Digital Pinoys sa publiko na isulong ang “digital people power” laban sa fake news.

Ito’y sa gitna na rin ng pag-usad ng presentation of charges kaugnay ng mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, national campaigner ng Digital Pinoys, sinabi niyang ang mga ganitong mataas ang interes at politikal na kaganapan ay kadalasang sinasabayan ng pagdami ng pekeng balita at maling impormasyon.

Paalala rin aniya ng EDSA People Power Revolution na mahalaga ang katotohanan at aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pagtatanggol ng demokrasya.

“As we honor EDSA, let us remember that democracy is defended not only in the streets but also in our timelines, group chats, and comment sections. Truth must trend. Facts must prevail. This is our generation’s People Power,” saad pa ni Gustilo.

Dagdag pa ni Gustilo, ang cyberspace na ngayon ang bagong larangan kung saan mabilis kumalat ang disinformation upang lituhin at pag-awayin ang publiko.

Binigyang-diin pa nito ang pangangailangan ng “digital vigilance” tulad ng pagberipika ng impormasyon bago ito ibahagi at pagre-report sa mga account na nagpapakalat ng maling balita.

“People Power today means responsible digital citizenship. Every Filipino with a smartphone has the ability—and the responsibility—to stop the spread of lies. Fact-check before you share. Do not amplify content designed to deceive,” dagdag pa niya.

Hinimok din ng grupo ang social media platforms na paigtingin ang aksyon laban sa coordinated disinformation networks.

Iginiit pa niya na ang makabagong People Power ay nakasalalay sa responsableng paggamit ng social media at patuloy nilang imo-monitor ang mga organisadong pagpapakalat ng maling impormasyon.