-- Advertisements --

Nagbabala ang digital advocates na posibleng humina ang pagpapatupad ng batas-trapiko kasunod ng memorandum ng Department of Transportation (DOTr) na nag-uutos sa Land Transportation Office (LTO) na itigil ang pagkumpiska ng mga lisensya ng mga lumalabag na motorista.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Ronald Gustilo, National Campaigner ng Digital Pinoys, sinabi nito na inaalis ng naturang direktiba ang isa sa pinakamahalagang enforcement tools ng LTO kahit wala pang sapat at maaasahang kapalit na sistemang teknolohikal.

Ayon kay Gustilo, kung wala ang pisikal na pagkumpiska ng lisensya, aasa ang mga traffic enforcer sa mga post-apprehension process na hindi suportado ng real-time databases, handheld verification devices, at ganap na magkakaugnay na digital systems.

Dahil dito, hindi agad natutukoy sa kalsada kung balido pa ang lisensya ng isang motorista o kung ito ay dapat nang masuspinde o bawiin.

“Kailangan maglaan ng pamahalaan ng pondo para magkaroon ng modernisasyon sa kabuuang traffic enforcement system. Kailangan po maging fully digitalized na ho ito and at the same time kailaingang equipped ang ating mga enforcers ng mga apparatu na makakatulong sa kanilang gampanan ang kanilang mga tungkulin,”saad nito.

Nagbabala ang grupo na maaari itong magdulot ng hindi pantay na pagpapatupad ng batas, pagdami ng paulit-ulit na paglabag, at panganib sa kaligtasan sa kalsada.

Anila, inilalantad din nito ang agarang pangangailangan para sa komprehensibong modernisasyon ng LTO at traffic enforcement system, kabilang ang paggamit ng makabagong teknolohiya, centralized databases, digital systems, at mas maayos na pagsasanay ng mga enforcer.

Binigyang-diin ni Gustilo na may legal na isyu ang memorandum dahil hindi maaaring ipawalang-bisa ng isang administrative order ang mga parusang nakasaad sa batas.

“Hindi natin sila dapat pinapatawan ng mga memo na mas makakapagpahirap na mapatupad ang kanilang mandato at magpatupad ang kaayusan sa kalsada. Kaya panawagan ng aming grupo ay pag-aralang maigi, i-revoke itong memorandum na ito at ng sa ganun bigayan ng sapat na budget ang LTO. Hindi solusyon ang pagbabawal sa pagkumpiska ng lisensya – ang dapat solusyonan paano gagawing episyente ang traffic enforcement system sa atin,” dagdag ni Gustilo.