Iminungkahi ng Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) ang paggamit ng variable tariffs bilang posibleng solusyon upang maprotektahan ang mga magsasaka sa pabagu-bagong presyo ng palay at matiyak ang abot-kayang bigas para sa mga mamimili.
Ayon kay DepDev Secretary Arnesio Balisacan, kailangan ng isang pangmatagalang solusyon na hindi magiging pabigat sa ekonomiya at makatutulong sa katatagan ng presyo para sa mga magsasaka.
Tinukoy nito ang pagbabalik ng Most Favoured Nation (MFN) tariff rate sa 35% na maaaring magpataas ng presyo ng bigas at magdulot ng inflation.
Magugunitang noong Hulyo 2024, ibinaba ng pamahalaan ang MFN tariff sa bigas mula 35% tungo sa 15% upang pababain ang presyo.
Ngunit ayon sa dating kongresistang si Joey Salceda, mas nakinabang umano dito ang mga importer at trader, at hindi ang mga konsumer o magsasaka.
Samantala, tiniyak naman ni Balisacan na ang 60-araw na suspensyon ng rice importation na ipinatupad simula Setyembre 1 ay hindi makakaapekto sa inflation, dahil may sapat na buffer stock ang bansa para sa 40-araw at inaasahan ang magandang ani ng palay ngayong season.
Una rito iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng pag-aangkat ng bigas upang bigyang proteksyon ang mga lokal na magsasakang bumabagsak ang kita dahil sa mababang presyo ng palay, na mula P24.93 kada kilo noong 2024 ay bumaba sa P16.99 nitong Hulyo 2025.