Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office IV-A ng P157.05 million na halaga ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pinalakas na southwest monsoon (habagat) dulot ng matinding pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa DSWD, naipamahagi na nila ang 222,996 family food packs at iba pang relief items gaya ng ready-to-eat food, sleeping kits, at hygiene kits sa 61 lokal na pamahalaan, kabilang ang mga probinsya ng Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal.
Kung saan nasa 269,823 pamilya ang kabuuang naapektuhan ng malawakang pagbaha. Sa ngayon, 5,552 pamilya ang nananatili sa 142 evacuation centers, karamihan ay nasa paligid ng Laguna Lake kung saan hindi pa humuhupa ang tubig baha.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DSWD sa mga LGU upang matulungan ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Samantala, idineklara na ang state of calamity sa ilang bahagi ng Calabarzon gaya ng Cavite, Laguna, at Rizal, upang magamit ang Quick Response Fund (QRF) at maisakatuparan ang mga hakbang para sa rehabilitasyon.
Isinasagawa na rin ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) Calabarzon ang Post Disaster Needs Assessment (PDNA) bilang bahagi ng paghahanda sa pangmatagalang pagbangon.
Patuloy rin ang panawagan ng RDRRMC sa publiko na makiisa sa mga disaster preparedness efforts upang mapaigting ang katatagan ng mga komunidad.