Kinilala ng Korte Suprema na maaaring ituring na co-owners ng ari-arian ang same-sex couples na nagsasama, alinsunod sa Article 148 ng Family Code, basta’t may malinaw na patunay ng aktuwal na kontribusyon.
Pinaboran ng Second Division ng Korte Suprema ang reklamo ng isang dating partner para sa paghahati ng bahay at lupang binili nila sa Quezon City, kahit na nakapangalan lamang ito sa isa. Batay sa desisyon, may pinirmahang Acknowledgment ang isang partner na umaaming halos kalahati ng gastos sa pagbili at pagpapagawa ng ari-arian ay mula sa kanyang dating karelasyon.
Nilinaw ng Korte Suprema na ang Article 147 ay para sa mga magkaparehang maaaring magpakasal, habang ang Article 148 ay sumasaklaw sa mga hindi pinahihintulutang magpakasal, kabilang ang same-sex couples, kung saan ang co-ownership ay nakabatay lamang sa aktuwal na ambag.
Gayunman, binigyang-diin ng Korte Suprema na ang mas malawak na usapin ng karapatan ng same-sex couples ay kailangang tugunan ng Kongreso at iba pang sangay ng pamahalaan, hindi lamang ng hudikatura. (report by Bombo Jai)
















