Reading Time: 1 minute
Ang Probinsiyano Partylist
Ang Probinsiyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos/ FB IMAGE

LEGAZPI CITY – Pinabulaanan ng legal counsel ng waiter na sinapak ng neophyte congressman ang mga kumakalat na ispekulasyon ng umano’y areglong nangyari na may presensya ng pera sa pagitan ng dalawang panig.

Kaugnay ito ng insidente ng pagsapak ni Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos sa waiter na si Christian Kent Alejo na makikita sa kumakalat na CCTV footage ngayon.

Sinabi ni Atty. Bart Rayco sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na mismong si Alejo at pamilya ang nagsabi na hindi ito tumanggap ng kahit isang sentimo mula sa naturang kongresista.

Nilinaw nito na may mga suhestiyon sa pamilya na humingi ng bayad sa naidulot na pinsala ng insidente na direkta namang tinanggihan ng kliyente.

Nanindigan naman ang pamilya nito na hindi tatanggap ng anumang halaga kung sakaling may ibigay kaya hindi na pinag-usapan pa ang naturang isyu.