Inutusan ng Court of Appeals (CA) ang pagpapalaya sa 81-taong-gulang na si Prudencio Calubid Jr. mula sa Manila City Jail matapos madiskubreng siya ay maling inaresto bilang lider ng New People’s Army (NPA) at consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ayon sa korte, ang pagkaka-aresto sa kanya ay sanhi ng maling pagkakakilanlan.
Nabatid na si Calubid, isang construction worker mula Olongapo City, ay inaresto ng mga awtoridad dahil sa kalituhan sa pangalan at pagkakakilanlan, at hindi siya ang target ng mga pulis.
Pinuna ng CA ang Philippine National Police (PNP) sa kakulangan ng pagsisiyasat at ang paggamit ng mga hindi beripikadong impormasyon mula sa social media.
Mariin namang kinondena ng human rights group tulad ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang insidente at nagsabing ang ito ay nakaka-alarma sa sistema ng bounty hunting ng gobyerno, na nag-uudyok sa mga awtoridad na maghanap ng mga nasasakdal para sa gantimpala imbes sa katarungan.