-- Advertisements --

Mariing tinutulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang planong ibenta ang kaniyang bahay sa Doña Luisa Village sa Davao City, ayon sa kaniyang anak na si Davao City First District Rep. Paolo Duterte.

Nauna na kasing kumalat ang larawan ng lumang bahay ng dating Pangulo online na may nakalagay na “For Sale” nitong nakalipas na weekend.

Subalit sa isang panayam sa mambabatas na binisita kamakailan lamang ang kaniyang ama sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, sinabi umano sa kaniya ng dating pangulo na may malalim na sentimental value sa kaniya ang naturang property dahil ito ang unang bahay na kaniyang binili mula sa sarili niyang pera dahilan kayat ayaw niyang ibenta ito kahit na nakakulong siya sa ibang bansa.

Nilinaw din ni Cong. Pulong na ang naturang bahay ay iba sa property na kinumpirma ng longtime partner ng dating Pangulo na si Honeylet Avanceña na ibinibenta, na nagbibigay linaw naman sa mga usap-usapan hinggil sa anumang away pamilya kaugnay sa kanilang property.

Samantala, ipinaabot naman ng mambabatas ang mensahe ng dating Pangulo para sa mga mamamayang Pilipino na nagpapasalamat sa kanilang suporta at sinabing huwag na siyang problemahin dahil tanggap na umano ng dating Pangulo kung yun ang kaniyang kapalaran.