Napanatili ng tropical depression Ada ang taglay na lakas habang bumabagal ito habang nasa Philippine Sea.
Natukoy ito sa silangan ng Mindanao o sa 545 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 kilometro kada oras malapit sa sentro, at bugso ng hangin na umaabot sa 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong kanlurang-hilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras, na may malalakas na hangin na umaabot hanggang 500 kilometro mula sa sentro.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Visayas (Northern Samar, Samar, Eastern Samar) at Mindanao (Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur).
Ayon sa forecast track ng state weather bureau, inaasahang tatahakin ng bagyo ang hilagang-kanlurang direksyon sa susunod na tatlong araw.
Posibleng dumaan malapit o mag-landfall sa Eastern Visayas sa Biyernes (Enero 16) o Sabado (Enero 17) ng madaling araw.
Pagkatapos nito, inaasahang dadaan din ito malapit o tatama sa Catanduanes sa Sabado o Linggo (Enero 18).
Pagkalipas ng mga araw na ito, inaasahang liliko ang bagyo patungong hilagang-silangan sa dagat silangan ng Luzon.
















