-- Advertisements --

LAOAG CITY – Maghahain ng counter charge si dating Dingras Mayor Marynette Gamboa laban kay Atty. Cocoy Ruiz, ang anak ng napatay na dating Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC Board President Lorenzo Rey Ruiz.

Ayon sa kanya, ang hakbang na ito na ginagawa niya ay hindi bilang paghihiganti para kay Ruiz kundi para ipakita sa lahat na siya ay inosente.

Magiging aral umano ito para kay Ruiz dahil nagpapadikta siya sa kanyang mga aksyon kahit alam niyang hindi totoo ang mga inaakusa laban sa kanya.

Paliwanag niya, desidido siyang magsampa ng countercharge para sa kapakanan ng mga tao at mga susunod pang henerasyon para hindi basta-basta makasuhan ang isang inosenteng indibidwal.

Sinabi niya na ang kanyang karanasan sa pakikipaglaban sa kasong pagpatay laban sa kanya sa loob ng 16 na taon ay hindi biro.

Dagdag pa niya, kung bibigyan siya ng pagkakataong tumakbo sa halalan ay bukas siyang bumalik sa mundo ng pulitika.

Una rito, humarap si Gamboa sa kasong murder dahil sa umano’y siya ang mastermind o utak sa likod ng pagpatay sa nakatatandang Ruiz noong 2009.