BUTUAN CITY – Nagdeklara na ng state of calamity ang lalawigan ng Surigao del Sur dahil sa matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Basyang (Penha), dahilan upang mapabilis ang mga rescue, relief, at rehabilitation efforts.
Ito ay matapos aprubahan ng provincial government ng Surigao del Sur ang isang resolusyon na pormal na nagdedeklara ng state of calamity, makaraang maapektuhan ang 89,816 pamilya o 336,671 indibidwal mula sa 249 barangay.
Umabot din sa daan-daang indibidwal ang naiulat na lumikas o nawalan ng tirahan bunsod ng matinding pagbaha at landslide na tumama sa iba’t ibang lugar, lalo na sa mga munisipalidad ng Cantilan, Madrid, Lanuza, at Cortes.
Sa pamamagitan ng deklarasyon, magkakaroon ng access sa calamity funds at mas mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga biktima. Papayagan din ang mga local government unit (LGU) at ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng price control sa mga pangunahing bilihin.
















