Binabantayan ng PAGASA ang isang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 30.
Batay sa tropical cyclone formation outlook nitong 2:00 a.m., huling namataan ang LPA sa layong 605 kilometro sa silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Samantala, binabantayan din ng state weather bureau ang Super Typhoon In-fa sa labas ng PAR.
May layo naman itong 2,970 kilometro sa silangan ng Northern Luzon habang gumagalaw tungong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
May taglay naman itong hangin na 185 kilometro kada oras at may bugsong umaabot sa 230 kilometro kada oras.
Ayon naman sa forecast weather condition ng PAGASA, magiging maulap na may pakalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms na mararanasan sa Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, at Quezon dulot ng shear line.
Gayundin ang mararanasan na panahon sa Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, Northern Mindanao, Caraga, at Palawan dulot naman ng trough extension ng LPA.
Bahagya namang magiging maulap ang kalangitan na may kaunting pag-ulan ang mararanasan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Batanes bunsod ng Amihan.
Para naman sa Metro Manila at sa natitirang bahagi ng bansa, maaasahan ang maulap na panahon na may pakalat-kalat na rainshowers at thunderstorms.
















