Arestado ng mga operatiba ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, katuwang ang Sagada Municipal Police Station, ang No. 7 Regional Most Wanted Person sa Cagayan Valley sa isang operasyon noong Oktubre 29, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jaojao,” 41-anyos, residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya, na nahaharap sa dalawang kasong panggagahasa. Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 30 sa Bambang, Nueva Vizcaya, na walang inirekomendang piyansa.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang mga kaso sa dalawang magkahiwalay na insidente ng umano’y panggagahasa sa isang 18-anyos na kamag-anak ng suspek noong Marso at Abril 2025 sa Nueva Vizcaya, kapwa umano gumamit ng pagbabanta ang suspek upang pilitin ang biktima.
Hindi agad naisumbong ng biktima ang mga insidente dahil sa takot sa mga pagbabanta. Noong Abril 5, 2026, nagawa niyang ipagtapat sa kanyang pamilya ang sinapit, na naging daan upang maiulat ang mga insidente sa pulisya at maisampa ang kaukulang kaso.














