-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Budget and Management na hindi maaantala at hindi maaapektuhan ang salary increases, retirement benefits, o pension ng military at uniformed personnel sa ilalim ng 2026 national budget.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DBM Secretary Rolando Toledo, hindi totoo ang kumakalat na alegasyong tinanggal ang pondo para sa personnel services sa ilalim ng unprogrammed appropriations. 

Paglilinaw nya, ang halagang tinutukoy ay para sa subsistence allowance increase ng military at uniformed personnel na inilipat lamang mula sa miscellaneous personal benefit funds patungo sa regular budget ng kani-kanilang implementing agencies.

Bahagi raw ito ng patakaran ng pamahalaan na ilagay ang regular benefits direkta sa agency budget upang maging mas mabilis, malinaw, at mas maayos ang paglalabas at paggamit ng pondo.

Binigyang-diin din ni Toledo na ang salary increases ng mga kasalukuyang government employees, kapwa civilian at uniformed personnel ay nakapaloob na sa 2026 budget ng kani-kanilang ahensya at hindi tinanggal, ipinagpaliban, o binawasan.

Kaugnay naman sa pension ng uniformed personnel, nilinaw ng DBM na hindi ito apektado.

Ang maaari lang daw maapektuhan ay ang mga bagong magre-retire sa ilalim ng optional retirement, subalit may nakahanda namang special purpose funds ang pamahalaan, kabilang ang miscellaneous, personnel benefit funds at pension and gratuity fund, upang tugunan ang mga obligasyong ito kung kinakailangan.

Nabatid na ngayong 2026, sisimulan na ang unang tranche ng base pay adjustment ng military at uniformed personnel alinsunod sa Executive Order No. 107 na nagkakahalaga ng 21.7B, kung saan 15.4 billion ang ilalaan para sa active service base pay adjustment at 6.3 billion naman para sa pension obligations.