-- Advertisements --

Patuloy na nakakapagtala ng aftershocks sa ilang bahagi ng Mindanao, matapos ang 6.1 magnitude na yumanig sa karagatan ng Davao Occidental bandang 7:07 ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Mula sa main quake, may naitala nang 22 aftershocks, kung saan lima sa mga ito ay plotted o na-detect ng dalawa o higit pang bilang ng pasilidad.

Isa sa mga ito ang naramdaman ng mga residente.

Ang mga aftershock ay may magnitude na nasa pagitan ng 2.4 hanggang 5.2, na karaniwang bahagi ng aktibidad pagkatapos ng isang malakas na lindol.

Ang epicenter ng lindol ay nasa 85 kilometro timog-silangan ng Sarangani Island, at may lalim na 79 kilometro, kaya’t hindi ito nagdulot ng tsunami.

Bagama’t walang naiulat na pinsala, naramdaman ang lindol sa maraming lugar sa Mindanao, kabilang ang Davao City, General Santos, at mga bayan sa Sarangani at South Cotabato.

Patuloy ang monitoring ng PHIVOLCS sa mga aftershock at pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga otoridad.