Isinusulong ni Leyte 1st district Rep. Ferdinand Martin Romualdez na maisabatas ang kanyang House Bill 14 o “Crop Insurance Bill.”
Ito’y matapos itinutulak din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na palawakin pa ang crop insurance coverage para protektahan ang mga Pilipinong magsasaka.
Layon ng panukala na mapalakas at mapalawak ang serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC, at maging bukas sa pribadong sektor pagdating sa agricultural insurance.
Sa sandaling maging ganap na batas ang House Bill No. 14 ang saklaw ng PCIC ay hindi na lamang palay at mais, kundi pati ang high-value commodities, mga hayop, aquaculture, makinarya, at post-harvest infrastructure.
Binigyang-diin ni Rep. Romualdez na ang kaniyang panukala ay naaayon sa pagsusulong ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mas maprotektahan ang mga Pilipinong magsasaka at matiyak ang seguridad sa pagkain sa ating bansa.
Naniniwala si Romualdez na kapag may maayos na insurance magkakaroon ng peace of mind ang ating mga magsasaka lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ayon pa kay Romualdez, importante na magsulong ng reporma upang tunay na makinabang ang maliliit na magsasaka na karaniwang hindi na kumukuha ng insurance dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman, red-tape, at mabagal na pagbabayad.
Batay sa global data mula sa Consortium of International Agricultural Research Centers o CGIAR lagpas 2.4 milyong magsasakang Pinoy ang nananatiling “vulnerable” mula sa kalamidad, ngunit walang sapat na access sa insurance protection.