-- Advertisements --

Kinumpirma ni U.S. President Donald Trump nitong Martes (local time) na sumang-ayon na ang Israel sa mga kondisyon para sa isang 60-araw na tigil-putukan sa Gaza, at binigyang-diin sa Hamas na tanggapin ang kasunduan bago lumala ang sitwasyon.

Naghahanda naman si Trump para makipagpulong kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa White House sa Lunes, Hulyo 7 kung saan layunin na tulungan ang dalawang panig na magkasundo at kasunduan para sa pagpapalaya ng mga hostage.

Ani pa Trump, ang Qatar at Egypt ang maghahain ng pinal na proposal na aniya’y sana tanggapin ng Hamas dahil kung hindi umano ito tatanggapin maaari pa aniyang lumala ang gulo sa rehiyon.

Hindi naman tinukoy ni Netanyahu ang mga detalye ng kaniyang pagbisita sa Washington, maliban sa trade deal at isyu sa Iran.

Bagama’t positibo ang pahayag, tila may alinlangan pa rin ang Hamas sa alok ni Trump na tinawag niyang “best and final offer.”

Maalalang minsan nang nabigo ang mga pag-uusap dahil sa hindi pagkakasundo ng parehong panig sa pagtatapos ng digmaan bilang bahagi ng ceasefire.

Kasabay nito, nagkaroon ng pagpupulong si Israeli Minister for Strategic Affairs Ron Dermer sa Washington kaugnay sa posibleng tigil-putukan sa Iran, at iba pa.

Samantala, mahigit 150 na international humanitarian groups ang nanawagan na itigil na ang kontrobersyal na sistema ng pamamahagi ng tulong sa Gaza dahil sa kaguluhan at lumalalang karahasan.

Nagbabala naman si Defense Minister Israel Katz laban sa missile attack sa Yemen, mula sa Iran-backed Houthi rebels matapos ang 12-araw na digmaan.

Sinabi ni Katz na maaaring kaharapin din ng Yemen ang kapalaran ng Tehran. Samantala, nangako naman ang Houthi na patuloy silang susuporta sa Gaza hangga’t hindi natatapos ang ginagawang hakbang ng Israel.