-- Advertisements --

Mariing kinondena ng Democrats lawmakers ang naging aksyon ni U.S. President Donald Trump laban sa Iran noong Sabado, Peb. 28.

Ayon kay Jack Reed, top Democrat sa Armed Services Committee, inilagay umano ni Trump ang bansa sa malaking digmaan laban sa Iran nang walang malinaw na dahilan, pahintulot ng Kongreso, o plano kung pano wawakasan ang sigalot.

Aniya, nanatiling hindi alam ng mga Amerikano ang tunay na gastos, panganib, at haba ng itatagal ng digmaan.

Tinuligsa rin ni Bernie Sanders ang administrasyon na aniya, ilegal, planado, at labag sa konstitusyon ng bansa, at sinabing niloloko ng gobyerno ang publiko ukol sa tunay na epekto ng sigalot na magdudulot pa aniya ng karagdagang kaguluhan.

Samantala, inakusahan din ni Ruben Gallego si Trump na sumalungat sa kanyang kampanyang pangako na bawasan ang military interventions at ilabas ang mga dokumento tungkol sa yumaong si Jeffrey Epstein.

Aniya, “Trump ran on exposing the pedophiles and stopping wars. Trump is now protecting the pedophiles and starting wars.”

Una nang hiniling ni U.S. Senate Minority Leader Chuck Schumer, na bigyan ng briefing ang Kongreso tungkol sa operasyon, at pinuna ang posibilidad ng isang walang katapusan at magastos na digmaan sa Middle East.

Samantala, ipinakita naman ng mga Republican ang kanilang suporta kay Trump ukol sa desisyong atakihin ang Iran.

Ayon kay Mike Johnson, Speaker ng U.S. House of Representatives, na hinaharap ng Iran ang mabibigat na kahihinatnan ng kanilang masama at teroristang gawain, kabilang na aniya ang pagpatay sa mga Amerikano at ambisyong gumawa ng nuclear.

Binanggit niya rin ang panalangin para sa kaligtasan ng mga sundalong lumahok sa ‘Operation Epic Fury.’

Tinawag naman ni U.S. Senator Lindsey Graham, na matagal nang supporter ng U.S. military intervention laban sa Islamic republic na ang speech ni Trump ay mapapasama sa kasaysayan bilang simula ng pinaka-historic na pagbabago sa Middle East sa loob ng isang libong taon.