-- Advertisements --

Nakatakdang magharap sina Tsina President Xi Jinping at Estados Unidos President Donald Trump sa Washington ngayong Huwebes upang talakayin ang pagpapababa ng tensyon sa kalakalan at ang banta ng artificial intelligence.

Bago ang opisyal na pagpupulong, personal na sinalubong ni Trump kasama ang Unang Ginang na si Melania Trump si Xi sa Joint Base Andrews sa Maryland kung saan ibinigay ang isang bihirang red carpet welcome.

Kabilang sa mga inaasahang tatalakayin ng dalawang lider ang isyu kaugnay sa Taiwan, ang sigalot sa Iran, pati na ang posibleng pagpapalawig ng trade truce sa pagitan ng magkabilang bansa.

Inaasahan ding magho-host ng isang state dinner si Trump para kay Xi na dadaluhan ng mga matataas na opisyal at kinatawan mula sa mga malalaking kumpanya tulad ng Apple, Nvidia, at OpenAI.

Layunin ng makasaysayang pagbisita na ito na maitaguyod ang tinatawag na constructive strategic stability upang maiwasan ang lalong paglala ng hidwaan sa kabila ng magkakaibang interes ng dalawang makapangyarihang bansa.