Makalipas ang isang linggong pagpapatupad ng malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo ng dalawang beses, asahan naman ang big-time rollback sa unang linggo ng buwan ng Hulyo.
Base sa 4-day trading, inaasahang magkakaroon ng rollback na P1 hanggang P1.40 kada litro sa gasolina habang sa diesel naman maaaring magkaroon ng tapyas na P1.60 hanggang P2.10 kada litro.
Inaasahan naman ang rollback na P2 hanggang P2.20 kada litro para sa kerosene.
Iniuugnay naman ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau ang nakatakdang malakihang rollback sa susunod na linggo sa kamakailang ceasefire sa pagitan ng Iran at Israel na maaaring magpababa sa pressure sa suplay ng langis.
Inaasahang iaanunsiyo ng mga kompaniya ng langis ang opisyal na presyo ng mga produktong petrolyo sa araw ng Lunes at magiging epektibo sa araw ng Martes, Hulyo 1.