-- Advertisements --

Aarangkada ngayong araw ng Martes ang malakihang rollback sa presyo ng produktong petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa abiso ng DOE, malaki ang ibababa ng presyo ng iba’t ibang produktong petrolyo kung saan bababa ng P9.26 kada litro ang diesel, P4.76 kada litro sa gasolina, at P10.86 para sa kada litro ng kerosene.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, bahagyang bumabalik ang presyo sa mas mababang antas matapos ang mga nakalipas na pagtaas na dulot ng tensyon sa pandaigdigang merkado ng langis.

“We’re going closer to the pre-war prices,” ani Garin, na tinutukoy ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Matatandaang noong huling bahagi ng Pebrero, naglunsad ang Estados Unidos at Israel ng mga pag-atake laban sa Iran na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa limitasyon sa supply.

Kalaunan, bahagyang humupa ang tensyon kasunod ng pansamantalang ceasefire at muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daluyan ng langis kung saan dumadaan ang tinatayang 20% ng pandaigdigang supply.

Samantala, inanunsyo rin ang DOE ang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) na tataas naman ng P3.41 kada kilo.

Narito ang ilang umiiral na presyo ng fuel sa Metro Manila hanggang Hunyo 1:

RON 97/100 — P89.50
RON 95 — P82.90
RON 91 — P79.60
Diesel — P82.70
Diesel Plus — P91.80
Kerosene — P113.80