-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na posibleng mas marami pang personalidad bukod sa isang ‘celebrity’ ang sangkot umano sa pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maaring may iba pang mga kilalang tao ang iniimbestigahan hinggil sa mga nawawalang sabungero.

Ngunit tumanggi munang kumpirmahin ng naturang kalihim kung mayroong katotohan na kasama sa kasabwat ng ‘mastermind’ ang isang kilalang babaeng artista.

Aniya’y hindi muna siya magbibigay ng kumento at kumpirmasyon hinggil rito sapagkat kailangan pang maberipika ang impormasyon.

Kaya’t kanya munang sinabi na mayroon at mas marami pang ibang mga indibidwal ang kasama o posibleng sangkot din sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero.

Dahil rito ay kanya namang ipinagmalaki na maraming development na umano sa kanilang isinasagawang pag-iimbestiga lalo na sa mga impormasyong patuloy na sinusuri at pinag-aaralan.

Kung saan hiling niya ang mas mahabang pasensya at ilan pang karagdagang panahon upang matukoy ang katotohanan hinggil sa kaso.

Kaugnay pa rito ay kanya namang kinumpirma na ang kagawaran ay sumulat na sa gobyerno ng Japan upang humingi ng tulong.

Nais kasing matukoy ng Department of Justice ang katotohan sa mga isinawalat ng testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.

Maalala na kanyang ibinunyag na matapos mapatay ay inilibing umano ang mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Taal, Lake.

Kaya’t gayon na lamang ang pagtitiyak ni Justice Secretary Remulla sa pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Department of Environment and Natural Resources.

Ngunit ng matanong naman ang kalihim kung kailan ang ‘target date’ nila na maisakatuparan ito, bigo niyang sabihan ang tiyak na petsa ng pagsisimula.

Sa kasalukuyan ay hindi pa rin nareresolba o natutukoy kung nasaan na nga ba ang mga nawawalang sabungero.

Ang tangi pa lamang tiyak ay ang inihayag ng Department of Justice na kanilang gagawin ang lahat upang tuluyang makamit ang hustisya.