Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paglulunsad ng P20 kada kilo na bigas sa Zapote Public Market sa Bacoor City, Cavite.
Target ng pamahalaan na mai-rollout ang P20 kada kilo na bigas sa buong bansa.
Maaga pa lang ay mahaba na ang pila ng mga residente para makabili ng murang bigas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ang murang bigas na iro-rollout ngayon ay para lang muna sa mga benepisyaryo ng 4Ps, senior citizens, PWD at single parents.
Nilinaw naman ng kalihim na kahit hindi mga taga Bacoor ay maari pa rin makabili ng bigas.
Ang bawat indibidwal ay pwedeng makabili ng maximum na sampung kilo.
Nasa kabuuang 500 sako ng murang bigas ang inilaan ng DA para sa rollout ng murang bigas program sa Bacoor ngayong araw.
May ilang lugar na sa Cavite ang nauna nang nag alok ng murang bigas tulad sa Dasmarinas City kung saan ito mabibili sa mobile kadiwa na bumibisita sa ibat ibang barangay tuwing Huwebes at Biyernes.
Meron na rin sa kadiwa center sa Naic tuwing Huwebes at Biyernes.
Batay sa naging pahayag ng Pangulo ipakakalat ang murang bigas sa buong bansa.
Siniguro naman ng National Food Authority (NFA) na may sapat ang imbak nilang bente pesos kada kilo ng bigas para iparating sa ibat ibang bahagi ng bansa.