Wala pang pinal na desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr kaugnay sa imbitasyon ni United States President Donald Trump na maging miyembro ng bagong inisyatibong Board of Peace.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, patuloy pa umanong pinag-aaralan ng Pangulo ang naturang imbitasyon.
Ang Board of Peace ay bagong inisyatiba ni U.S. President Donald Trump, ay isang panukalang international advisory body na layong isulong ang diplomasya at mapayapang resolusyon ng mga sigalot sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nang tanungin kung ano ang mensaheng ipinahihiwatig ng naturang imbitasyon sa international community, partikular sa Asia-Pacific region, gayundin ang posibleng implikasyon nito sa seguridad ng rehiyon kabilang ang mga isyu sa West Philippine Sea, sinabi ni Castro na ipinauubaya muna ng Palasyo ang usapin sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Dagdag pa ng Palasyo, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga kaugnay na ahensya upang masigurong ang anumang hakbang ay naaayon sa pambansang interes at sa umiiral na patakarang panlabas ng Pilipinas.















