Pinagtibay ng House of Representatives sa botong 284 pabor sa pagbasura, walong tutol, at apat na abstention ang rekomendasyon ng House Committee on Justice na ibasura ang dalawang reklamo ng impeachment laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa kakulangan ng sapat na batayan.
Inaprubahan ng plenaryo ang Committee Report No. 111 at House Resolution No. 746 na nagdedeklara na bagama’t pasado sa porma ang mga reklamo, bigong makapasa ang mga ito sa “sufficiency in substance.”
Ayon kay Committee Chair Rep. Jerville “Jinky Bitrics” Luistro, hindi sapat ang mga alegasyon dahil walang matibay na ebidensya at umaasa lamang sa haka-haka o hearsay. Binigyang-diin niya na ang impeachment ay hindi dapat gawing kasangkapan ng pulitikal na drama kundi isang prosesong nakabatay sa 1987 Konstitusyon, mga desisyon ng Korte Suprema, at rule of law.
Tinukoy ng komite na walang sapat na basehan ang mga paratang sa dalawang reklamo—ang De Jesus complaint at ang Maza et al. complaint—kabilang ang mga isyu sa foreign policy, droga, badyet, at katiwalian.
Sa huli, iginiit ng Kamara na ang interes ng mamamayang Pilipino at ang umiiral na batas ang dapat manaig sa proseso ng impeachment.
Binigyang-diin ni Luistro na ang desisyon ay patunay na nangingibabaw ang Rule of Law at ang kapakanan ng sambayanang Pilipino sa Kamara.
Ipinahayag ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang pagtutol sa naging paghawak ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aniya’y minadaling ibinasura.
Ayon kay Tinio, dapat sana’y binigyan ng pagkakataon ang Pangulo na sagutin ang mga paratang at masusing sinuri ng Kongreso ang ebidensiya.
Bagama’t aminado siyang mahirap baligtarin sa plenaryo ang desisyon ng komite dahil sa mayoryang kaalyado ng administrasyon sa Kamara, iginiit niyang hindi pa tapos ang laban.
Patuloy umano ang Makabayan bloc sa panawagang bumoto ang plenaryo at sa pagpapaliwanag sa mga mambabatas at publiko hinggil sa umano’y kaalaman ng Pangulo sa alegasyon ng korapsyon kaugnay ng mga flood control project.
















