Mas lumakas pa ang deportation case laban sa sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo kasunod ng hatol ng Manila Regional Trial Court (RTC) na nagdedeklarang siya ay isang Chinese national at hindi Pilipino.
Sa isang statement, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na matagal na rin aniya nilang sinimulan ang deportation proceedings laban kay Guo.
Itinuturing naman ng BI na isa itong malaking tagumpay para sa pambansang seguridad ng bansa.
Isinisiwalat din aniya ng kaso kung paano nagawang mapasok ng isang dayuhan ang posisyon sa gobyerno gamit ang mga pekeng dokumento at gawa-gawang pagkakakilanlan.
Ang desisyon din aniya ng korte na nagpapawalang bisa sa pagka-Alkalde ni Guo at opisyal na nagdedeklara sa kaniya na hindi siya karapat dapat sa public office ay nagpapatibay sa findings ng immigration records at biometrics na siya ay Chinese national na si Guo Hua Ping.
Pinapalakas din umano ng desisyon ng korte ang kanilang legal na basehan at suporta sa nagpapatuloy na pagsisikap ng gobyerno para protektahan ang ating borders at mga institusyon.
Ayon sa BI, halos sampung buwan nang nasa piitan si Guo dahil sa patung-patong na kasong kinakaharap niya kabilang ang qualified human trafficking, money laundering, at graft, lahat ay may kinalaman sa kaniyang pagkakadawit sa transnational criminal network operating scam hubs sa Bamban, Tarlac.
Samantala, nanindigan naman ang BI chief ng suporta sa nagpapatuloy na mga imbestigasyon para masigurong mapapanagot si Guo sa ilalim ng buong pwersa ng batas.