Kinumpirma ng Bureau of Immigration na na-deport na pabalik ng Russia ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy.
Ayon sa BI, sumakay si Zdorovetskiy sa isang IrAero flight patungong Irkutsk noong Sabado. Inutos ng BI Board of Commissioners ang kanyang deportasyon noong Disyembre 17 matapos siyang ideklarang undesirable alien.
Nag-ugat ang deportation order sa iba’t ibang reklamong inihain laban sa 33-anyos na vlogger kaugnay ng pang-aabala at kawalan ng respeto nito sa ilang Pilipino.
Unang inaresto si Zdorovetskiy noong Abril ng nakaraang taon. Nakilala siya sa pagpo-post ng prank videos sa social media, kabilang ang panggugulo sa isang security guard, pagmumura sa isang Pilipinang naka-face mask, pagnanakaw ng industrial electric fan, at pagkuha ng isang traysikel na kalauna’y bumangga sa isang nakaparadang jeep
Sa isinagawang inquest proceedings, inamin niya ang mga ginawang kamalian at ikinulong ito sa BI Warden’s Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig. Kung saan, sinubukan nitong mag piyansa ngunit hindi ito pinahintulutan ng Bureau of Immigration.
Matapos ang deportasyon ay isinama na rin ng Bureau of Immigration sa blacklist ang pangalan ni Zdorovetskiy.
















