-- Advertisements --

Inaresto ang isang Estonian vlogger na kasalukuyang nahaharap sa deportation matapos makatanggap ng mga reklamo kaugnay ng harassment, unauthorized filming, at mapanlait na pag-uugali laban sa mga Pilipino, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado.

Kinilala ng BI ang dayuhan bilang si Siim Roosipuu, 34, na inaresto noong Enero 15 ng mga operatiba ng BI Intelligence Division at ng Anti-Terrorism Group, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police.

Ayon sa BI, si Roosipuu ang nagpapatakbo ng YouTube channel na “Pro Life Traveler” at umano’y nang-harass ng mga Pilipino, kabilang ang mga menor de edad, habang gumagawa ng content sa bansa.

Sinabi ng ahensya na sinimulan na ang deportation proceedings laban sa vlogger.

Ipinaliwanag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na isinagawa ang pag-aresto matapos ideklara si Roosipuu bilang persona non grata ng mga lokal na opisyal sa Negros Oriental, bunsod ng iba’t ibang reklamong may kaugnayan sa harassment, hindi awtorisadong pagkuha ng video, mapanirang pahayag, at online content na umano’y nagmamaliit sa bawat Pilipino.

Inihalintulad ni Viado ang kaso sa naunang deportation ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na inaresto matapos mag-livestream ng umano’y pangha-harass sa mga Pilipino sa Taguig City.

Matatandaan na kinasuhan si Zdorovetskiy ng tatlong bilang ng unjust vexation kasunod ng viral incident.

Binigyang-diin ni Viado ang matibay na posisyon ng pamahalaan laban sa mga dayuhang gumagamit ng bansa para sa mapagsamantalang content creation.