Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may ‘official word’ mula sa International Criminal Court (ICC) na humihiling sa pamahalaan ng Pilipinas para maprotektahan ang mga testigo laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Ito ay sa ilalim ng Witness Protection Program na kalimitang ibinibigay sa mga testigo na may natukoy na banta sa kanilang seguridad at buhay.
Sa isang panayam, sinabi ng kalihim na ibibigay din ng gobiyerno ang suporta at kooperasyon sa request ng international tribunal, lalo na at batid aniya ng pamahalaan ang pangangailangang madala ng ligtas ang mga testigo sa The Hague.
Magbibigay din aniya ng financial assistance ang gobiyerno ng Pilipinas para magamit ng mga testigo sa pagbiyahe nila patungong The Hague kung saan nakatakdang isagawa ang trial laban sa dating pangulo.
Samantala, nagpahayag naman ng pagtutuol ang Justice secretary sa kahilingan ng kampo ng dating pangulo na interim release.
Paliwanag ng kalihim, alam mismo ng ICC na naging mahirap ang pagdadala kay Duterte sa The Hague at tuluyang paharapin sa korte; tiyak din aniyang magiging pahirapan kung sakaling payagan siyang makalabas sa detention facility patungo sa ibang bansa.
Nanindigan ang kalihim na mas nakabubuting manatili sa kulungan ang dating pangulo upang humarap sa kaniyang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 2025.