Nagbukas na ng dalawang floodgate ang Ambuklao Dam kasunod ng malawakang pag-ulan sa malaking bahagi ng watershed area nito.
Ngayong araw, umabot na sa 751.96 meters ang lebel ng tubig ng naturang dam, batay sa ulat na inilabas ng Hydrology Division ng state weather bureau.
Ito ay apat na sentimetro na lamang bago tuluyang maabot ang 752 meters na normal high water level (NHWL) nito.
Sa nakalipas na 24 oras, muling tumaas ng 40 centimeters ang lebel ng tubig sa naturang dam, daan upang tuluyan nitong buksan ang dalawang floodgate.
Sa kasalukuyan ay nagpapakawala ito ng kabuuang 133.68 cubic meters per second mula sa isang metrong opening.
Ito ang unang pagkakataon na nagbukas ng floodgate ang isang dam sa bansa, mula noong opisyal na idineklara ng weather bureau ang pagsisimula ng tag-ulan.