Mahigpit na ipapatupad ng Philippine National Police (PNP) ang “one-strike policy” laban sa mga police commander na mabibigong mapigilan o agad na maresolba ang mga insidente ng indiscriminate firing o pagpapaputok ng mga baril sa pagsalubong at selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, nag-isyu na ng isang memorandum circular si PNP Chief Melencio Nartatez Jr. para sa pagpapatupad ng naturang polisiya.
Paliwanag ng police official na kapag nakapagtala ng insidente ng indiscriminate firing, binibigyan ang police commander ng 36 na oras para resolbahin ito, dahil kung hindi ay mare-relieve sa kanilang pwesto.
Para mapigilan ang ganitong insidente, ikinokonsidera ng pambansang pulisya ang pagselyo sa mga baril ng mga police officer.
Samantala, ayon sa PNP, magpapakalat ito ng 100,000 kapulisan sa buong bansa para bantayan ang matataong lugar sa holiday season.
Sisimulan namang isailalim sa heightened alert status ang PNP simula sa Martes, Disyembre 16 at full alert sa mismong selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
Base sa PNP official, ang mataas police visibility sa mga nakalipas na taon ay nagresula sa pagbaba ng mga naitatalang krimen.
















