-- Advertisements --

Kinumpirma ng Kataas-taasang Hukuman na nailipat na sa Regional Trial Court ng Lapu-lapu City, Cebu ang mga kasong kinakaharap ng kontratistang si Sarah Discaya sa Davao Occidental.

Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, tuluyan ng naidala sa korte ng Lapu-lapu ang mga kasong ‘malversation’ at ‘graft’ laban sa naturang kontratista.

Paliwanag ng tagapagsalita, ang paglilipat ng mga kaso ay alinsunod sa direktibang mailagay ang mga ‘corruption-related cases’ sa pinakamalapit na itinalagang ‘anti-graft court’ sa rehiyon.

Ang pagpapasya aniya kung saang korte ililipat ay nasa determinasyon ng hukom may hawak ng mga kasong isinampa.

Kung maaalala, pormal sinampahan ng Ombudsman si Discaya ng partikular na mga kasong ‘malversation of public funds through falsification of public documents’ at paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Regional Trial Court ng Digos, Davao Del Sur.

Ang mga kaso’y nag-ugat sa pagkakasangkot ng akusado sa ‘ghost infrastructure project’ sa Davao Occidental pinondohan ng aabot sa halos 100-milyon piso.

Matapos ihain sa korte ng Digos, agad itong inilipat sa Malita, Davao Occidental na ngayon nama’y naidala na sa korte ng Lapu-Lapu Regional Trial Court ng Cebu.