Nagbukas ng ilang gate ang apat na dam sa Luzon ngayong Linggo upang magpakawala ng tubig bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon sa state weather bureau kabilang dito ang Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan na isang gate ang binuksan at nagpakawala ng kabuuang 33 cubic meters per second (cms) na tubig kung saan umabot ito sa 100.41 metro ang antas, malapit sa spilling level nitong 101.10 metro.
Nagbukas din ng dalawang gate ang Ambuklao Dam sa Benguet sa at nagpakawala ng hanggang 191.20 cms.
Gayundin ang Binga Dam, na nasa parehong lalawigan, ay may dalawang gate din na binuksan at nagpakawala ng hanggang 211.51 cms.
Batay sa ulat ng weather bureau, halos maabot na ng dalawang dam ang kani-kanilang normal high water level (NHWL).
Samantala ang Magat Dam, ay may dalawang gate na binuksan at nagpapakawala ng 656.39 cms kung saan may water level na 185.84 metro, malapit sa NHWL na 190 metro.
Nagbabala rin ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magpapatuloy ang Southwest Monsoon na magdudulot ng pag-ulan sa mga rehiyon gaya ng Ilocos Region, Central Luzon, Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, CALABARZON, at MIMAROPA.