-- Advertisements --

Tinawag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na “obstructionists” ang mga grupong umano’y pilit iniuugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Castro, malinaw na layunin ng mga ito na ilihis ang atensyon mula sa alegasyon ng katiwalian laban sa bise presidente.

Giit ni Castro, hindi kaalyado ng Pangulo ang mga nagreklamo kundi mga kritiko kaya’t walang batayan ang paratang na inudyukan ng Pangulo ang paghahain ng plunder at graft charges laban sa pangalawang Pangulo.

“Pipilitin na naman nilang idikit sa Pangulo ang isyu para palabasing pamumulitika ito,” ani Castro, kasunod ng pahayag ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na “rehash” at “fabricated” lamang umano ang mga alegasyon laban kay Duterte.

Sa hiwalay na pahayag, iginiit ni PDP deputy spokesperson Atty. Ferdinand Topacio na may kinalaman umano ang administrasyong Marcos sa reklamo at inakusahan ang Kamara ng umano’y katiwalian sa badyet.

Binalaan din niya ang publiko laban sa aniya’y tangkang hadlangan ang posibleng pagtakbo ni VP Duterte sa pagkapangulo.

Ang PDP ay pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ng bise presidente.

Gayunman, nilinaw na hindi miyembro ng PDP si Vice President Sara Duterte.