Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vice Dizon na papanagutin lahat ng tiwaling opisyal sa Bulacan 1st district engineering office, na ayon sa kalihim ay malapit nang makasuhan.
Ginawa ni Sec. Dizon ang pahayag kasabay ng kaniyang pakikipagpulong sa mga bagong talagang opisyal sa Malolos, Bulacan ngayong araw.
Isinagawa ang pulong sa conference room na tinawag ni Dizon bilang “infamous room” kung saan naroon ang lamesang pinaglatagan ng nasa P300 milyong pinaghati-hatian umano ng dating DPWH district engineers na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez.
Ayon sa kalihim, simboliko ang naturang lugar dahil dito sumabog ang napakalaking iskandalo sa flood control projects.
Nangako rin ang kalihim ng paglalatag ng mga solusyon kasama ang mga bagong talagang opisyal ng naturang district engineering office ng DPWH sa Bulacan.
Samantala, nakatakda ring inspeksyunin ni Sec. Dizon ang mga maanomaliyang proyekto na hawak ng Bulacan 1st district engineering office.













