Nanawagan si Batangas First District Representative Leandro Leviste sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na isapubliko ang opisyal na kopya ng tinaguriang Cabral files, na umano’y naglalaman ng detalye ng budget allocation para sa mga proyekto ng DPWH sa bawat congressional district.
Ayon sa mambabatas, dapat linawin ng DPWH kung ang mga halagang nasa dokumento ay tunay na pondong inilalaan sa mga kongresista. Sinabi rin niya na may mga kapwa mambabatas na umano’y pumigil sa kanya na mag-privilege speech tungkol dito.
Ibinahagi ng mambabatas na may kopya na rin umano ng naturang files ang DPWH, Office of the Ombudsman, at ilang media organization.
Aniya, ipinapakita nito na hindi gawa-gawa ang mga dokumento. Sinabi rin niyang nais umano ni DPWH Secretary Vince Dizon na ilabas ang files bilang bahagi ng reporma sa ahensya.
Sa isang post online, inilabas ni Leviste ang listahan ng mga proyekto na may “allocables” na umaabot sa mahigit ₱401 bilyon, na maaari umanong lumobo sa higit ₱1 trilyon kapag isinama ang “outside allocables.”
Gayunman, sinabi ni Secretary Dizon na hindi pa niya ino-authenticate ang mga dokumento dahil hindi pa niya ito personal na nasusuri.
Samantala, iginiit ng Malacañang na dapat imbestigahan kung paano nakuha ang naturang files, at nagbabalang maaaring mawalan ng saysay ang ebidensya kung ito ay nakuha sa ilegal na paraan.















