Patuloy ang hakbang ng Department of Agriculture (DA) na makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng abono o fertilizers sa Pilipinas, sa gitna ng patuloy na krisis sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules, pumalo na sa doble ang presyo ng abono, kung saan umakyat ito sa $800 mula sa dating $400 kada tonelada.
Bunsod nito, nakikipag-usap na ang pamahalaan sa mga bansang tulad ng India, Russia, at Belarus upang makakuha ng alternatibong suplay para sa mga Pilipinong magsasaka.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Tiu Laurel na walang plano ang China na ihinto ang pagluluwas ng abono patungo sa Pilipinas.
Ito ay matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan nitong Martes upang talakayin ang kooperasyon sa agrikultura.
Pinabulaanan ng kalihim ang mga kumakalat na ulat na magpapatupad ang China ng export freeze upang unahin ang kanilang sariling pangangailangan.
Samantala, nagbigay rin ng katiyakan si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na nananatiling sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at fertilizers sa bansa.
















