Hindi umano masosolusyunan ng pagpapalit ng Executive Secretary at Budget Secretary ang anomalya sa flood control projects at isyu ng korapsyon sa bansa, ayon kay ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco.
Giit niya, nakaugat ang problema sa mismong sistema ng pamahalaan na nagpapahintulot sa ghost projects at maling paggamit ng pondo.
Ang pagpapalit ng mga opisyal ay maaaring magbigay ng impresyon ng reporma ngunit hindi nito natutugunan ang ugat ng katiwalian.
Lumutang ang mga alegasyon ng iregularidad sa flood control projects ng DPWH kung saan bilyon-bilyong pisong pondo ang umano’y nawaldas.
Mariin namang itinanggi ng ilang mambabatas ang pagkakadawit sa mga anomalya. Kasabay nito, daan-daang libong mamamayan ang nagtipon sa Quirino Grandstand sa ilalim ng INC upang ipanawagan ang transparency at pananagutan.
Para kay Leyco, ang tunay na solusyon ay sistematikong reporma, mas mahigpit na auditing, at mas matibay na institusyon upang matiyak na ang pondo ng bayan ay napupunta sa tamang proyekto.
















