Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang mga residente ng Pag-asa Island sa pahayag na tila ipinamimigay na lamang sa China ang Kalayaan Island Group.
Para sa kanila, malinaw na teritoryo ng Pilipinas ang mga isla at matagal na nilang pinaninirahan bilang patunay ng soberanya.
Mariin nilang iginiit na hindi dapat isuko ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon naman kay Mayor Billy Alindogan, matagal nang gumagana ang gobyerno sa kanilang lugar.
Lumalabas din sa record na 1980 pa nagkaroon ng mga lokal na opisyal sa lugar na sariling halal ng mga residente sa isla.
Samantala, nilinaw ni Sen. Rodante Marcoleta na mali ang interpretasyon sa kanyang sinabi sa isang pagdinig.
Ayon sa kanya, hindi niya intensyon na ipamigay ang Pag-asa Island o ang Kalayaan Island Group.
Paliwanag niya, ang statement ay bahagi ng tanong ukol sa estratehiya ng bansa sa pagtindig laban sa China.
Tiniyak naman ng Malacañang na hindi kailanman isusuko ng pamahalaan ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas. Nanindigan din ang Department of Foreign Affairs na sakop ng soberanya ng bansa ang Pag-asa Island at Kalayaan Island Group.
Samantala, nagpasaring naman ang isa sa mga kilalang nagsusulong ng ating karapatan sa West Philippine Sea na si Prof. Jay Batongbacal, matapos ang ilang usapin ukol sa naturang teritoryo.
Bagama’t hindi nito direktang tinukoy ang pinatutungkulan, marami ang naniniwalang may kinalaman pa rin ito sa debate ukol sa pangangalaga at pag-angkit sa West Philippine Sea.
“Has anyone ever tried a Petition to the Senate to Expel a Useless Member?,” wika ni Batongbacal.
















