-- Advertisements --

Iminungkahi ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste na bawasan ang panukalang P250-bilyong pondo para sa flood control projects sa 2026 at ilipat ang hindi bababa sa P200 bilyon para sa edukasyon at pagbawas ng budget deficit.

Giit ng kongresista, mas makabubuting unahin ang pagpapalakas ng edukasyon at pagpababa ng fiscal deficit sa 3% bago talakayin ang pagbaba ng buwis.

Muling nabatikos ang flood control projects matapos ang malawakang pagbaha dulot ng Bagyong Carina at habagat, sa kabila ng mahigit 5,500 proyekto na ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon. Sa kanyang ika-apat na SONA, binigyang-diin ng Pangulo ang alegasyon ng katiwalian at maling paggamit ng pondo at inatasan ang DPWH na magsumite ng listahan ng mga proyekto para sa masusing pagsusuri.

Samantala, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na bukas ang DBM sa panukalang realignment at nakasalalay ito sa desisyon ng Kongreso. Aniya, tugma ito sa tema ng 2026 national budget na magbibigay ng mas malaking alokasyon para sa edukasyon. (report by Bombo Jai)