-- Advertisements --

Tumaas nang husto ang kaso ng malnutrisyon sa Gaza, kung saan 63 sa 74 na nasawi ngayong 2025 ay naiulat noong Hulyo, kabilang ang 24 batang wala pang limang taong gulang.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang krisis ay lubhang mapipigilan sana kung hindi na-delay ang pagpasok ng pagkain, gamot, at humanitarian aid sa lugar.

Sa Gaza City, halos isa sa limang bata ay apektado ng matinding malnutrisyon, habang triple ang pagtaas ng kaso mula noong Hunyo. Pumalo na sa mahigit 5000 bata ang isinailalim sa paggamot sa loob ng dalawang linggo ng Hulyo, 18% dito ay may Severe Acute Malnutrition.

Apat na pasilidad lamang ang nagbibigay ng espesyal na lunas sa malnutrisyon, ngunit halos bumigay na ito dahil sa kawalan ng gasolina at suplay.

Nanawagan ang WHO ng agarang tulong upang mapigilan ang tuluyang paglala ng krisis at muling iginiit ang pangangailangan ng tigil-putukan at proteksyon sa mga sibilyan.