Ipapatupad ang umento sa toll rates sa Manila-Cavite Expressway (Cavitex) simula sa araw ng Martes, Oktubre 28, 2025.
Ito ay matapos ianunsiyo ngayong araw ng Sabado ng pamunuan ng expressway na inaprubahan na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang mga petisyon para sa taas-singil sa toll fee.
Inaprubahan ang bagong toll rates para suportahan ang nagpapatuloy na upgrades at maintenance activities.
Para sa Cavitex R1 Portion o sa Seaside patungong Zapote, itataas na sa P39 mula sa kasalukuyang P35 ang toll rates para sa Class 1 vehicles o mga sasakyan tulad ng kotse, motorsiklo, dyip, pick-up truck, van, SUV at AUV.
Sa class 2 vehicles o mga sasakyan gaya ng bus, maliliit na trucks at ilang malalaking van, tataas na ang toll rate sa P78 mula sa kasalukuyang P70. Habang sa Class 3 vehicles naman o mga sasakyan gaya ng mabibigat na truck ay itatas na sa P117 ang singil na toll fee mula sa P104.
Para naman sa Cavitex R1 Extension Segment 4 mula Zapote patungong Kawit, ipapatupad sa dalawang tranche ang taas-singil sa toll fee ngayong taon at sa 2026 para maibsan ang epekto nito sa mga motorista.
Sa unang tranche, para sa Class 1, mula sa P73 itataas ito sa P88, para naman sa Class 2, mula sa P146 magiging P176 at sa Class 3 naman mula P219 ay magiging P264.
Samantala, muli namang ia-activate ng Cavitex ang Abante Program nito para maibsan ang epekto ng toll increase. Kung saan, sa ilalim ng programa, maaaring bigyan ng grace period sa loob ng 90 araw mula sa implementasyon ng bagong rates ang mga rehistradong pampublikong mga sasakyan at agricultural trucks kung saan maaari silang magbayad base sa dating toll rates.
















