-- Advertisements --

Kinumpirma ng Israel nitong Lunes na natanggap nila ang kabaong ng isang bihag mula sa Gaza na ibinigay ng Hamas sa International Red Cross.

Ayon sa Israel Defense Forces (IDF) at Israel Security Agency (ISA), isasailalim ang labi sa pagkakakilanlan sa Tel Aviv. Hiniling ng mga awtoridad na huwag munang magbigay ng espekulasyon hanggang maabisuhan ang pamilya.

Kung makumpirma, ito na ang ika-16 sa 28 labi ng mga bihag na naibalik sa ilalim ng ceasefire deal. Labindalawa pa ang nananatiling nawawala sa Gaza.

Lumalaki ang galit ng publiko sa Israel dahil sa mabagal na pagbabalik ng mga labi, habang tumutulong ang Egypt sa paghahanap.

Ayon sa mga ulat, aminado ang Hamas na hindi pa nito natatagpuan ang lahat ng labi. Sinabi naman ng US na tiniyak ng Hamas na gagawin nito ang lahat upang maibalik ang mga ito.

Nanatiling epektibo ang tigil-putukan sa kabila ng tensiyon, habang unti-unting bumabalik ang mga Palestino sa mga guho ng kanilang mga tahanan sa Gaza. (report by Bombo Jai)