Mahigit 116 katao na ang nasawi, kabilang ang pitong bata, sa patuloy na nagaganap na protesta kontra gobyerno sa buong Iran ayon sa U.S.-based Human Rights Activists News Agency (Hirana).
Ayon sa datos ng HIRANA, aabot sa 2,638 katao ang naaresto habang nagpapatuloy ang kilos-protesta na tumuntong na sa ika-14 na araw. Habang mayroon namang naitala na 109 na miyembro ng security forces ang napatay sa gitna ng mga protesta. Kaugnay ng nagaganap na karahasan, naiulat din ang halos 60 oras na pagputol ng internet sa Iran kung saan pinaniniwalaan na isa itong hakbang upang pigilan ang pagkalat ng impormasyon at koordinasyon ng mga raliyista. Nagsimula ang mga protesta noong huling Linggo ng Disyembre, matapos magmartsa ang mga mamamayan sa sentro ng Tehran laban sa tumataas na inflation at patuloy na pagbagsak ng halaga ng pambansang pera na rial. Habang lumalawak ang kilos-protesta, naging lantad ang panawagang laban sa pamahalaan, kabilang ang mga sigaw na humihimok sa mga estudyante na maging tinig ng bayan at panawagang ibagsak ang Islamic Republic. Pinangunahan naman ng Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khameniei ang isinagawang operasyon para buwagin ang mga naganap sa rally kung saan naiulat na gumamit ito ng tear gas, at sa ilang pagkakataon, ng nagpaputok ng baril. Habang sinasabi naman ng mga opisyal na bukas silang pakinggan ang mga hinaing ng mamayan sa ekonomiya at iniuuganay ang nagaganap na kaguluhan sa mga “rioter” at umano’y pakikialam ng mga dayuhang bansa, partikular na ang Estados Unidos at Isarel. Samantala, sa hiwalay na pahayag, iginiit ni Pangulong Masuod Pezeshkian na may kinalaman ang mga dayuhang terorista sa kaguluhan. Kaugnay nito, nangako siya na aayusin ng gobyerno ang lumalalang problema pang-ekonomiya ng bansa. Habang nagbabala naman ang Iran laban sa anumang dayuhang interbensyon.
















