Inanunsyo ng U.S. Embassy sa Manila na hindi regular mag-a-update ang kanilang online platforms dahil sa “lapse in appropriations” o pagkaantala sa pondo ng gobyerno ng Estados Unidos dahil sa partial shutdown, maliban na lamang sa mga importanteng impormasyon tungkol sa kaligtasan at seguridad.
Ayon sa embahada, matitigil muna ang mga normal na advisories, pahayag at ibang social media posts hangga’t hindi bumabalik sa normal ang operasyon.
Ngunit iginiit ng embahada na magpapatuloy ang mga naka-schedule na visa interviews at serbisyo para sa mga American citizen sa Pilipinas sa nakatakdang oras kahit may pagkaantala sa pondo.
Ang Visa Application Center sa Parañaque ay mananatiling bukas para sa mga aplikante para sa photo at fingerprint collection.
Para sa mga concern sa visa, hinihikayat ang mga aplikante na makipag-ugnayan sa Consular Section o bisitahin ang opisyal na website ng embahada para sa updates.
Matatandaan na nagresulta ang partial shutdown ng gobyerno ng US dahil sa hindi pagkakasunduan ng mga mambabatas sa pag-apruba ng pondo, lalo na kaugnay sa immigration at border security spending.










