Patuloy na umaasa ang mga pamilya na buhay na mahahanap ang kanilang nawawalang kaanak sa kabila pa ng pagsasagawa na ng retrieval operations sa gumuhong siyam na palapag na gusaling under construction sa Angeles City, Pampanga.
Patuloy ring dumarating ang mga pamilya ng nawawala mula sa iba’t ibang probinsya at naghihintay pa rin ng balita sa kanilang nawawalang kapamilya.
Samantala, nagsagawa rin ng panalangin sa lugar ng insidente sa pangunguna nina Pampanga Governor Lilia Pineda at Angeles City Mayor Carmelo Jon Lazatin.
Ayon sa alkalde, wala pang tiyak na timeline sa clearing operations dahil prayoridad din ang kaligtasan ng mga responder.
Batay sa pinakahuling ulat, 47 katao ang naapektuhan ng insidente. Dalawampu’t pito ang nasagip, apat na ang kumpirmadong nasawi habang nasa 16 ang hindi pa rin nahahanap.
Patuloy ang clearing operations gamit ang backhoe, dump trucks, at planong crane operations upang mapabilis ang retrieval efforts.
Samantala, nailigtas din ang isang aso na pinaniniwalaang alaga ng foreman ng construction site mula sa mga gumuhong bahagi ng gusali habang nagpapatuloy ang search operations.
Ayon sa City Veterinary Office, kasalukuyang inoobserbahan ang aso at binibigyan ng wastong pangangalaga at tuloy-tuloy na minomonitor upang makatulong sa paggaling nito.















